Driver's Seat. Front Seat/Front Seat. Driver's Seat.

Sa kahabaan ng binabagtas na kalsada,
nagpupumilit magsalita ang aking mapanuring mata.

Sa tabi ng bintana, sa gitna, basta ang daa'y nakikita.
Nais ko'ng hindi malayo, sa mga istorya ng taong may iba't ibang dinarayo.

Sa trono ng piling klase ng mga tao,
Driver's Seat, Front Seat,
Mistulang parang langit.
 
Sino ang mga nabiyayaan,
Panandaliang pwesto ng kapangyarihan,
Kasiyahan, kalungkutan, katotohanan, kasinungalingan,

Ang pinaglilingkuran,
Ang mga naglilingkod,
Mananatili lamang sa likod.

Bawat tao'y tinatanong kung Sino.

Sino ang kaibigan?
Sino ang Iniibig?
Sino'ng asawa?
Sino ang querida?

Sino ang may pera?
Sino ang wari lang nama'ng umaasta?

Sino ang nagmamahalan?
Sino ang nagmamahal?
Sino ang nagtitiis,
At ang nakaupong may pusong nasasaktan?

May CDs, tissue at cellphone holder. 
May compass, dyaryo at Office of the Mayor sticker. 
Mayroon din Doctor on call at Medical Mission folder.

Di malaman sino'ng nagpaka dalubhasa
At sino ang nagpapakasasa.
Sa kapangyarihang di naman pinaghirapan,
Nababalot lang ng kasinungalingan.

Masisisi mo ba ang nais magkaroon ng kabuhayaan?
Kolorum na di maabot ang kalayaan.
Ebidensyang itinatago sa dilim ng sasakyan.
Sila ang mga tinted na Van.

Sino ang Tatay?
Sino ang magulang na para sa anak ay handang pumatay?
Sino ang Nanay?
Sino ang ginawa na ang lahat ngunit buhay pari'y walang saysay?

Sino ang anak ng artista?
Ng Congressman, ng Mayor o laki sa angkan ng mga elitista?

Sino ang may dinaramdam?
Sino ang may karamdaman?
Sino ang wala nang maramdaman?

Sa mukha ay nakaguhit ang saya.
Usapang sa bibig mo lamang mababasa.

Sino ang pagod?
Sino ang walang tulog?
Sino ang puyat?
Sino ang nakatulog ng sapat?

Sino ang magtatagal?
Sino ang nawalan na ng dangal?

Maililigtas ba ng mga rebulto at Rosaryong nakasabit,
Mga katauhang nawawalan na ng bait.
Mga sitwasyong nakakagalit?

Agad mong malalaman,
Anak ng sino't saan ang paaralan.

LaSallista, Atenista, Tomasino, Assumptionista,
Mga pandikit na nagsasabing may miyembro ng pamilyang
Nag-aaral sa Mapua.

Napakadaming natatanaw.
Kung ano'ng nakikita'y siyang isinisigaw,
Ng isipang lubusang naliligaw.

Marami pa ang pwedeng makita,
Sa kahabaan ng Maynila,
Sa mga bayan at probinsya.

Ang mga nagtatrabaho, nag-aaral, naghahanap ng kita
Maski ang mga wala ng pag-asa,
Ang nagkukumahog na maralita,
Iba't ibang klase ng tao ang nabubuhay
Sa iisang gobyerno at bansa.

Nawa'y magpahinga na ang malikot na isipan.
Iwasan ang malupit na kaguluhan.
Kaguluhang sa isipa'y nananahan.
Damdaming napapasinungalingan.
Pusong nababalot sa kasakiman.

Ibig lamang ay magapi,
Ang maduming gawi ng kamundohan.

Malaman na sa haba nitong binabagtas na lansangan,
Ang sandigan ay ang pag-ibig ng Diyos na walang hanggan.

Comments

Most Read

"I Can't Believe It's Over." A Break-Up Story

The Story of the Nativity and The Relativity

Steve Jobs & Me